Puerto Prinsesa,Punong Abala sa Gaganaping International Dance Workshop and Festival

This is a repost from Pia.gov.ph**PUERTO PRINCESA, Palawan, (PIA) — Ang lungsod ang magiging punong abala sa gaganaping International Dance Workshop and Festival sa darating na Abril 11-14 na may temang “Cultural Connectivity Through Dance.”

Ayon kay City Tourism Officer Rebecca Labit, inaasahang dadaluhan ito ng 15 mga bansa at 13 grupo mula sa Pilipinas na kinabibilangan ng mga dance trainers, choreographers, directors, P.E. teachers at iba pang may hilig sa sayaw.

Sa nasabing aktibidad ang mga kalahok mula sa iba’t ibang bansa ay magtatanghal at magtuturo ng kani-kanilang mga tradisyunal, moderno at ballet na mga sayaw.

Ang gawaing ito ay alinsunod sa Presidential Proclamation No. 154 hinggil sa pagdiriwang ng National Dance Week ng bansa na ang National Commission for Culture and the Arts ang nagpapatupad.

Kaugnay ng paghahanda ng pamahalaang panglungsod hinggil sa aktibidad na ito ay tinalakay sa pagpupulong kamakailan na mga kinakailangan paghahanda at ang mga paraan kung paano itatampok ang katutubong sayaw ng Palawenyo bilang isa sa pangunahing palabas.

Ang pagpupulong na ginanap sa Asturias Hotel ay pinangunahan ni City Tourism Officer Labit at dinaluhan ng mga principal, guro at kinatawan ng mga paaralan at dance troupe sa lungsod.

Ayon kay Labit, lubos ang suporta ng City Mayor Edward S. Hagedorn sa International Dance Workshop & Festival. Aniya, naniniwala ang alkalde na magiging daan ito upang magkaroon ng ugnayan ang mga lokal na mga mananayaw sa labas ng bansa o sa iba pang probinsya kung saan maipakikita ang kulturang Palawenyo.
Makakadagdag din ito sa pagpapalago ng mga kaalaman ng mga mananayaw at nagtuturo ng sayaw mula dito bukod pa sa makakatulong ito sa potensyal ng Puerto Princesa na maging isang “cultural destination” ng bansa. (LBR/CIO/OCJ-PIA4B Palawan)

image from:sixstringsclub.com

Speak Your Mind

*